Thursday, May 26, 2011

babaan at sakayan

nakalagay sa malalaking neon sign sa kahabaan ng espana. parang ang sarap isipin na sa pag-sakay ng jeep, bus o taxi, malinaw kung saan ka bababa at kung saan ka sasakay. ang linis. may bababa, may sasakay. sakto ang bawat lugar at panahon kung kailan ito mangyayari. sana ganoon din ang buhay.

lumabas ako sa opisina pagkatapos mananghalian para bumalik sa padre faura, puntahan ang dating unibersidad at subukang balikan ang pag-aaral.

tanong ng kaibigan kong si charlie, "bakit mo naman na-isip mag-aral ulit?". marami akong sinabing walang kawawaan. ang totoo - hindi ko alam.

habang tinitiis ko ang nakakadustang eksena ng isang mahigit kwarenta anyos na estudyante, ina-update ko ang kaibigan kong si id (gamit ang BBM). pinagtatawanan namin ang bawat sitwasyon, nililibak ang ibang tao, inuugnay ang nangyayari sa iba pa naming mga nakatatawang pinagsamahan.

sa pagitan ng pagdalirot ng cellphone, pinagmamasdan ko ang dinadaanang kalye sa maynila. sunod-sunod na sumasagi sa isip ko ang mga mahahalagang pangyayaring naganap sa akin na ipinaa-alala ng daan mula sa maynila hanggang quezon city.

sa dausdos ng snapshots ng sarili kong nakaraan, nakita ko ang mga neon signs: babaan at sakayan. naisip ko - ang dami ko nang sinakyan. sa kalimitan, hindi ko naman sigurado kung saan ako papunta. madalas din na kahit alam kong panahon na para bumaba, diretso lang - baka may mas magandang tiyempo, mas OK na lalapagan. may mga pagkakataong may sinasakyan ako kahit na nakatayo ako sa estribo, kahit nakasabit lang, kahit halos mahulog na ako sa lubak. minsan naman, kahit nandyan na ang dapat ng sakyan, ninais na maghintay ng iba - baka mas maginhawa, baka may mangyari pa habang naghihintay, baka may ibang dapat puntahan.

sa byahe ng buhay ko, walang tularan. walang pagbabatayang pattern o rule.

naisip ko tuloy, itong pag-aaral ko ulit - di ko alam kung pagbaba ito o pagsakay.

pero naisip ko rin, OK na rin. ang importante, sa isang takdang panahon - may umandar.

pagbalik ko sa opisina, iba na yung gwardiya. wala na yung cute na smile ni joshua (yung dating guwardiya) na medyo crush ko.

kung saan man sya sumakay, sana maganda ang byahe nya.

7 comments:

  1. "kahit alam kong panahon na para bumaba, diretso lang - baka may mas magandang tiyempo, mas OK na lalapagan"

    Tumagos sa akin ito.

    Ngayon ko narealize na sa tagal nating magkakasama sa pagsusulat, hindi makakailang magkakadugtong na ang ating mga laman.

    Maligayang pagbabalik Kiel, masaya akong maging unang mambabasa na nagiwan ng comment sa iyong bagong bahay!

    ReplyDelete
  2. OMG, I'm excited to see this new blog. Welcome back to blogging, love. Pero sana di Tagalog. Mahirap basahin sa mga di naman Tagalog ang mother tongue. Sa August ka na mag-Tagalog (Linggo ng Wika!).

    ReplyDelete
  3. bumaba ka man o sumakay, tatambay ako sa abangan
    tricy man, bus, jeep, o saan mang daungan
    sumabit, umupo, o dumaus-os sa kandungan
    manunuod, mahihibang, araw-gabi kang tatambangan...

    ReplyDelete
  4. @ mugen - hay naku. sobrang tagal na nga. hahahaha

    @ kawadjan - di ko pa alam ang trip ng blog na ito eh. so hindi ko masabi kung gusustuhin nyang mag-ingles o hindi.

    @ id - awww. touch ako.

    ReplyDelete
  5. nice jump start...

    goodluck sa panibagong kabanata ng iyong istorya... ako'y lagi lamang makikibasa. :)

    ReplyDelete
  6. pareho tayo, may thing for -ers except mga guwardya na technically hindi -er. whatever.

    ReplyDelete
  7. @ wc - salamat.

    @ pat - pag nakita mo si joshua, mag-second thoughts ka sa mga gwardiya

    ReplyDelete