Thursday, June 2, 2011

takbo

kanina lang, tumakbo ako ng tatlong kilometro nang hindi humihinto.

natuwa ako dahil ang personal best ko ay 1.44 kilometers sa sampung minuto. tinakbo ko ang tatlong kilometro sa 21 minuto. nilampasan ko yung normal kong distansya pati oras. hindi naman ito remarkable sa pang atletang batayan. pero masaya pa rin ako dahil 'tinalo' ko ang sarili ko.

bago mag-gym, naghuntahan kami ng mga matagal ko nang kaibigan. katulad ng alak sa mga bata, dumako ang usapan sa 'bisyo' naming pag-usapan ang mga problema ng isa't-isa.

isa sa mga problema ay ang pagkawala ng enchantment sa relasyon. yung bang kung noon may mga katangian ang asawa/boyfriend/ka-fling mo na gumugulat sa iyo, nagpapa-ikot ng tiyan mo, nagsasabi sa iyo - 'di ko lang siya mahal, gusto ko siya'. ang problema, pagkatapos ng ilang taong pagsasama, yung mga katangian noon na gusto mo, minsan nawawala. minsan hindi na nakakatuwa. mas malala pa, minsan - yung mga katangiang dati mong ginusto - yun mismo ang kinakainisan mo.

sabi ni inday, isa sa mga pantas kong kaibigan, normal na dadaanan ito ng bawat relasyon. na sa isang yugto - hindi na yung 'gusto' ang basehan ng relasyon. mas malalim na.

tanong ko, 'ano yun?'

sagot nila iba iba. love. shared sense of history. security. companionship.

nabasa yata ng mga kaibigan ko ang expression ng mukha ko. sabi nila - 'bored ka lang.'

umepal ulit si inday. sabi niya, para hindi ka ma bore, kailangan ma discover mo ulit yung sense of wonderment at curiosity ng isang bata. yung i-challenge mo ulit yung sarili mo na matutunan ang mga bagay na hindi mo alam. magawa ang mga bagay na hindi mo kaya.

pagdating sa gym, isinet ko yung treadmill sa tatlong kilometro. isinuot ko yung headphones ko. pinatugtog ko si mariah. saka ako tumakbo.

habang tumatagaktak ang pawis ko, naisip ko. OK itong pagtakbo. may pakiramdam kang mabilis kang gustong makakarating sa patutunguhan mo. parang may goal ka bigla. parang may iniiwan ka. (kahit sa totoo lang hindi ka naman gumagalaw sa treadmill.) tapos, sa partikular na oras na parang mapapagot na ang hininga mo, wala nang mas importante pa kundi mai-hakbang mo ang paa mo. isa pang beses. hanggang tumuloy-tuloy lang. ma-realize mo na hindi naman pala hihinto ang puso mo. kaya mo pa pala. bagama't akala mo ay papanawan ka na nang ulirat, sosopresahin mo sarili mo - kaya mo pa pala.

tapos naisip ko, ang daming gamit ng salitang 'takbo'. pwedeng takbuhan ang problema. pwedeng isiwalat ang itinakbo ng istorya. pwedeng tumakbo bilang kongresista, senador, presidente. aba, eh sa dami ng ibig sabihin, hindi nga ba na lahat tayo ay tumatakbo kahit sa isa man lang pakahulugan? dapat lang. takbo lang nang takbo.

nag-flash na yung control board ng treadmill. cool down. tapos na ang tatlong kilometro. umaatungal pa rin si mariah, 'i had a vision of love...'

habang pinapahid ko yung pawis ko, saka ko naisip:

malayo pa ang tatakbuhin ko.

3 comments:

  1. tumakbo naman ang treadmill, napatakbo ko rin ang bike. kung kinaya ko pa sana, pati rowing machine pinatakbo ko. sa yo, ikaw ang tumakbo hindi ang makina. sa kin, pinatakbo ko lang ang mga makina pero hindi ako gumalaw. minsan talaga depende- kung ikaw ang itinulak o kung ikaw ang nagtulak. isa lang ang pareho- sa dulo, siguradong ikaw ang pagod. pero keber na basta ikaw ang maganda!

    ReplyDelete
  2. Anlakas maka-Carrie Bradshaw ha. Gets ko yung message ng post mo, pero magco comment na lang ako sa presentation. Kasi naman mas madali yun eh!

    Muahness from Pasig Cirehh!

    ReplyDelete
  3. "isa sa mga problema ay ang pagkawala ng enchantment sa relasyon."

    the very same guilt i feel for thinking that my latest is my first.

    ReplyDelete